SC, magdaraos ng Prelim conference sa magkahiwalay na electoral protests nina BBM at VP Robredo
Mamayang hapon, isasagawa na ng Korte Suprema ang preliminary conference sa magkahiwalay na electoral protests nina dating Senador Bongbong Marcos at Vice-President Leni Robredo.
Una nang itinakda noong June 21 ang preliminary conference pero ipinagpaliban dahil sa Martial Law petitions.
Layon ng naturang kumperensya na talakayin ang mga isyu na dapat resolbahin ng Supreme Court na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal at ang mga pamamaraan para sa mabilis na resolusyon ng poll protests.
Sa kaniyang isinumiteng preliminary conference brief, tinukoy ni Marcos ang tatlong pilot province para sa vote recount na magpapatunay na lehitimo ang kanyang protesta na ang mga ito ay ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Pinili ang tatlong probinsya para sa recount dahil doon mayroong major discrepancies sa mga boto sa balota at sa na-transmit sa vote counting machines at certificates of canvass.
Binanggit din ang 362 na testigo na maaring ipatawag ng PET at magsumite ng supporting evidence.
Ulat ni: Moira Encina