SC: Mga mensahe at larawan mula sa FB na nakuha ng pribadong indibiduwal, puwedeng tanggapin na ebidensya sa korte
Admissible bilang ebidensya sa hukuman ang mga litrato at mensahe sa Facebook na nakuha ng pribadong indibiduwal.
Batay ito sa desisyon na isinulat ni Supreme Court Associate Justice Jhosep Lopez na nagpapatibay sa hatol na conviction sa petitioner na si Christian Cadajas sa kasong paglabag sa Anti-Child Pornography Act.
Kinontra ng Supreme Court ang nais ni Cadajas na huwag tanggapin na ebidensya laban sa kanya ang chat thread sa FB Messenger dahil sa paglabag daw ito sa kanyang right to privacy.
Paliwanag ng SC, hindi maaaring igiit ng petitioner ang right to privacy dahil ang kopya ng chat ay nakuha ng pribadong indibiduwal o ng biktima at hindi ng gobyerno, pulis o sinumang state agent.
Ayon pa sa ruling, may access sa chat thread ang biktima dahil ibinigay sa kanya ng petitioner ang kanyang password sa FB Messenger account.
Hindi rin aplikable sa kaso ang Data Privacy Act dahil pinapayagan sa nasabing batas ang pagproseso ng personal na impormasyon na may kaugnayan sa pagdetermina sa kriminal na pananagutan ng subject.
Ipinunto pa ng SC na ang krimen ng child pornography ay itinuturing na mga gawa na “inherently immoral” kaya nangangailangan ng patotoo ng criminal intent ng akusado.
Moira Encina