SC muling hinimok na mag-isyu ng TRO laban sa Anti-Terror law
Muling dumulog ang mga Anti- Terror law petitioners at kanilang abogado sa Supreme Court na mamagitan ito sa mga patuloy na pag-atake sa kanilang hanay na kumukontra sa batas.
Sa isang manifestation na inihain sa Korte Suprema, hiniling muli ng mga petitioners at counsels sa SC na magpalabas na ito ng TRO para ipatigil pansamantala ang implementasyon ng batas kontra terorismo.
Naniniwala sila na makatutulong ang TRO para matugunan ang lumalang pag-atake sa kanilang hanay at sa mga pagpaslang sa mga abogado at iba pang nasa legal profession sa bansa.
Kabuuang 62 abogado at petitioners ang lumagda sa manifestation.
Kabilang na rito sina dating SC Justices Antonio Carpio at Conchita Carpio-Morales, at dating Vice- President Jejomar Binay
Kinuwestyon din ng mga ATA petitioners at counsels ang pagpaslang at pag-aresto sa ilang activist leaders sa Rizal, Laguna, at Cavite noong Linggo lalo nat ang mga ito ay miyembro ng mga grupong naghain ng petisyon laban sa Anti-Terror Act.
Nababahala sila sa pagdami ng bilang ng mga suspek na namamatay na sinilbihan ng search warrants dahil ang mga ito raw ay nanlaban sa mga otoridad.
Ipinanukala naman ni dating Congressman Neri Colmenares sa Korte Suprema na magkaroon ito ng automatic review sa mga isinilbing search warrants na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Kaugnay nito, iminungkahi rin ni Colmenares sa Judicial and Bar Council na itanong sa mga aplikante para sa Chief Justice post ang kanilang posisyon sa mga pagpatay o extra judicial killings sa mga drug suspects at mga aktibista.
Sinabi ng abogado na karapatan ng publiko na malaman ang pananaw ng mga mahistrado sa mga nasabing isyu dahil ang Korte Suprema ay dapat independent at tagapagtanggol ng karapatan ng mamamayan.
Moira Encina