SC nag-set up ng Emergency Care Unit para sa mga kawani nitong nagpositibo sa COVID-19
Nagtatag ang Korte Suprema ng Emergency Care Unit (ECU) na magsisilbing temporary accomodation ng mga COVID-19 positives na kawani nito at ng third level courts habang naghihintay ng hospital confinement at ng akmang quarantine facility.
Batay sa guidelines na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, itinalaga ang Supreme Court Gymnasium bilang ECU.
Ito ay matatagpuan sa ikalimang palapag ng Supreme Court-Court of Appeals building.
Hanggang 55 kumpirmadong COVID-19 patients na asymptomatic o may mild hanggang moderate symptoms ang pwedeng ma-accomodate sa ECU.
Ito ay habang naghihintay ang mga pasyente na ma-confine sa ospital o mailipat sa isolation facility.
Bukod sa mga empleyado ng SC, maaari ding gamitin ng mga kawani ng Court of Appeals, Sandiganbayan, at Court of Tax Appeals ang ECU.
Pero, dahil sa limitado ang bed capacity ng ECU ay ipatutupad ang ‘first come, first served’ na polisiya.
Bawal din ang walk-ins sa pasilidad at sinumang bisita.
Papayagan naman ang komunikasyon sa pagitan ng pasyente at pamilya sa pamamagitan ng teknolohiya o remote communication.
Kung kinakailangan ay bibigyan ang mga pasyente ng mental health at psychosocial support services sa pakikipagugnayan sa mga kinauukulang government institutions.
Ang proyekto ay bahagi ng mga hakbangin ng Korte Suprema para tulungan ang mga tauhan nito ngayong may krisis sa kalusugan.
Pangangasiwaan ng Office of the Administrative Services ang ECU katuwang ang SC Medical and Dental Services.
Moira Encina