SC, naglatag na ng mga panuntunan para sa recount ng mga balota sa electoral protest ni BBM
Naglatag na ang Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ng mga panuntunan para sa paghahanda sa recount ng mga balota kaugnay sa electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos.
Sa limang pahinang resolusyon ng PET, nakasaad ang mga patakaran sa isasagawang ballot revision kabilang na ang binuong exploratory mission o retrieval team.
Ang retrieval team ang tutunton at mag-eeksamin sa lahat ng ballot boxes sa mga probinsya at lungsod na kasama sa protesta para sa pagdadala nito sa Supreme Court compound kung saan isasagawa ang recount.
Itinalaga ng PET ang mga SC employees na sina Atty. Mercedes Mostajo at Atty. Linuel Alindogan mula sa Office of the Chief Attorney bilang leaders ng retrieval team; sina Joy Jemima Reyes at Jeffrey Raymond Atienza ng cash collection and disbursement division bilang special disbursing officers; at Joery Gayanan at sinumang opisyal o kawani na irerekomenda ng Office of the Administrative Services bilang Chief Security Officer at Assistant Chief Security Officer.
Tinukoy din ng PET ang guidelines atkomposisyon, screening at hiring ng mga miyembro ng revision committees, at ang kompensasyon na tatanggapin ng mga kasama sa aktwal na ballot recount o revision.
Ang revision committee ay bubuuin ng coordinator na dapat ay abogado, isang recorder at representative mula sa kampo nina marcos at Robredo.
Ang SC gymnasium ang itinakda na lugar ng PET para pagsagawaan ng revision proceedings.
Gagamitin din sa poll protest ang bahagi ng fourth floor parking level ng SC Court of Appeals multi-purpose building at isang kwarto sa likod ng division hearing room.
Ulat ni: Moira Encina