SC nagpatawag ng oral arguments sa petisyon laban sa pagpapaliban sa barangay elections
Isasalang ng Korte Suprema sa oral arguments ang petisyon na humihiling na ipawalang- bisa at ipatigil ang implementasyon ng batas na nagpapaliban sa barangay elections.
Sa deliberasyon ng Supreme Court En Banc noong Martes, kaagad nito na tinalakay at inaksyunan ang petisyon ng election lawyer na si Romulo Macalintal laban sa postponement ng halalang pambarangay.
Sa Biyernes, Oktubre 21 sa ganap na 3:00 ng hapon ay itinakda ng Korte Suprema ang oral arguments sa petisyon.
Bukod dito, inatasan ng SC ang mga respondent sa petisyon na Commission on Elections (Comelec) at Office of the President na maghain ng komento sa petisyon ng hanggang 12:00 ng tanghali ng Biyernes, Oktubre 21
Gayunman, walang inisyung temporary restraining (TRO) ang Korte Suprema laban sa implementasyon ng batas.
Sa petisyon ni Macalintal, iginiit nito na walang kapangyarihan ang Senado at Kamara sa ilalim ng Saligang Batas na mag-postpone ng barangay elections o palawigin ang termino ng panunungkulan ng barangay officials.
Aniya nasa eksklusibong hurisdiksyon ng Comelec ang pagpapaliban sa eleksyon alinsunod sa Omnibus Election Code.
Paliwanag pa ng abogado, kapag nagpostpone ng eleksyon ay katumbas na rin ito ng pag-appoint sa isang elected official na kontra sa Saligang Batas na ang mga opisyal ng barangay ay dapat inihalal at hindi itinalaga.
Moira Encina