SC nagtakda na ng oral arguments sa petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng Batas Militar
Isasalang ng Korte Suprema sa tatlong araw na oral arguments ang petisyon na kumukwestyon sa deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.
Itinakda ng Supreme Court ang oral arguments sa petisyon ng mga opposition Congressmen sa June 13, 14 at 15 sa ganap na alas-dies ng umaga.
Kaugnay nito, inatasan din ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General na magsumite ng komento sa nasabing petisyon ng hanggang alas dose ng tanghali ng June 12.
Pinadadalo rin ng mga mahistrado ang mga abogado ng mga partido sa isasagawang preliminary conference sa June 12 ng alas dos ng hapon.
Inoobliga rin ng Supreme Court na magsumite ang mga partido ng kanilang memoranda hanggang June 19 ng alas dos ng hapon.
Ayon sa mga petitioner , walang sapat na factual basis sa pagdedeklara ng Batas Militar at para suspindihin ang privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao.
Wala rin anilang rebelyon o pananakop sa Mindanao na batayan na itinatakda sa Konstitusyon para magdeklara ng Martial Law.
Ulat ni: Moira Encina