SC nirebisa ang panuntunan sa paggamit ng laptop sa bar exams
Pinapayagan na ang reviewers sa laptop na gagamitin ng mga examinees para sa bar examinations.
Ito ay matapos rebisahin ng Korte Suprema ang mga rules sa paggamit ng laptops sa panahon ng pagsusulit.
Sa bar bulletin na inisyu ni Bar Chair at Justice Marvic Leonen, sinabi na maaari nang panatilihin ng mga examinees sa kanilang laptop ang kanilang reviewers.
Pero, ito ay dapat naka-save sa local folders at hindi downloadable mula sa kanilang cloud.
Sa oras na matapos ang security at health check, puwede nang buksan ng mga bar examinees ang kanilang laptop upang ma-access ang files sa kanilang last-minute studying.
Maaari rin na rebyuhin ng mga ito ang sariling files sa lunch breaks.
Sa naunang panuntunan ng Supreme Court, pinagbabawalan ang mga examinees na gamitin ang laptops maliban sa Examplify na application para sa test proper.
Binalaan naman ang mga bar examinees na huwag tangkain na mangopya kahit niluwagan ang mga panuntunan.
Ang exam application din ay naka-disenyo para pigilan ang examinees na mag-exit sa program sa oras na magsimula ang pagsusulit.
Kaugnay nito, bawal na gumamit ng internet ang mga examinees maliban sa pag-download ng exam files at pagsumite nito.
Ikukonsiderang porma ng pangongopya ang pag-access sa internet partikular para sa social media.
Ang sinumang lalabag sa mga rules at anumang uri ng cheating ay mahaharap sa disciplinary action gaya ng pagkadiskuwalipika maging sa mga bar examinations sa hinaharap.
Iniurong sa Pebrero 4 at 6 ang bar exams dahil sa panibagong surge ng kaso ng COVID-19 at epekto ng bagyong Odette.
Ito ang kauna-unahang computerized at localized bar exams sa bansa.
Moira Encina