SC pinagbabayad ang negosyanteng si Herminio Disini ng higit P1-B kaugnay sa Bataan Nuclear Power Plant project
Inatasan ng Korte Suprema ang negosyanteng si Herminio Disini na bayaran ang gobyerno ng mahigit
P1 bilyong danyos dahil sa papel nito sa paggawad ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) Project sa Westinghouse Electrical Corporation.
Sa botong 12-0, ipinagutos ng Supreme Court na bayaran ni Disini ng P1 bilyong temperate damages at P1 milyong exemplary damages ang pamahalaan.
Pinanagot ng Korte Suprema si Disini dahil sa paggamit ng kanyang impluwensya o pagiging malapit kay dating Pangulong Ferdinand Marcos para maibigay ang US$2.2 bilyong proyekto sa Westinghouse.
Ayon pa sa SC, may legal interest rate na 6% per annum ang nasabing monetary awards mula nang maisapinal ang ruling hanggang sa ito ay kumpletong mabayaran.
Sinabi sa SC decision na napatunayan ng testimonial at documentary evidence ng gobyerno na nagbulsa ng yaman si Disini kaya dapat mabayaran ang pamahalaan ng danyos.
Gayunman, hindi binigyang bigat ng Korte Suprema ang
ang photocopied document na sinasabing tumanggap ng US$50 million na komisyon ang negosyante.
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando.
Nag-inhibit naman sa botohan sina Chief Justice Alexander Gesmundo at Associate Justice Amy Lazaro- Javier.
Si Disini ay pumanaw noong 2014 sa edad na 78 taong gulang.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa Sandiganbayan noong 1987 laban kay Disini, dating Pangulong Marcos at Ginang Imelda Marcos.
Sa reklamo ng pamahalaan, sinabi na kinuha ng Westinghouse si Disini na kilalang malapit kay Marcos bilang Special Sales Representative para matiyak na makuha ng kumpanya ang kontrata sa BNPP project na may kapalit na 3% na komisyon.
Moira Encina