SC pinagkukomento ang Senado sa petisyon ni Pharmally executive Linconn Ong laban sa pag-aresto at pagkulong sa kanya
Inatasan ng Korte Suprema ang liderato ng Senado at ng Senate Blue Ribbon Committee na maghain ng komento sa petisyon na inihain ni Pharmally Pharmaceutical Corp. executive Linconn Ong laban sa pagpapaaresto at pagkulong sa kanya.
Respondents sa petisyon sina Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon, Senate President Vicente Sotto III, at Senate Sergeant-at- Arms Rene Samonte.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, batay kay Chief Justice Alexander Gesmundo inobliga ang mga respondents na magkomento sa main petition at hiling na TRO ni Ong.
Kinuwestiyon ni Ong sa Korte Suprema ang pagpataw ng Senado sa kanya ng contempt na nagresulta sa pag-aresto at pagkulong sa kanya.
Hiniling din ni Ong na ipahinto at ipawalang-bisa ang nasabing kautusan ng Senado.
Iginiit ng panig ni Ong na labag sa Saligang Batas at may grave abuse of discretion ang pagpataw ng contempt sa kanya ng Senado.
Tinukoy nito ang nakasaad sa Section 21, Article 6 ng Konstitusyon na dapat igalang ang karapatan ng mga taong humaharap sa mga pagdinig ng Kongreso.
Nalabag aniya ang kanyang right to due process at walang basehan sa Saligang Batas ang pag-contempt sa kanya ng Blue Ribbon Committee.
Kung may nalabag aniya siya ay dapat siyang sampahan na lang ng kaukulang kaso sa korte ng komite.
Si Ong ay pinatawan ng contempt dahil sa pagtangging magsalita sa pagdinig ng Senado sa isyu ng kontrata ng Pharmally sa gobyerno para sa pagbili ng COVID -19 medical supplies.
Moira Encina