SC pinagtibay ang constitutionality ng TRAIN Law
Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon laban sa implementasyon ng RA 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN Act).
Sa sesyon ng mga mahistrado ng Supreme Court noong Martes, kinatigan nito ang constitutionality ng TRAIN Law.
Labing-tatlong justices ang bumoto pabor para i-dismiss ang mga petisyon, isa ang kumontra at may isang hindi lumahok sa deliberasyon.
Ayon sa SC, ang argumento ng mga petitioner na walang quorum sa Kamara nang ratipikahan ang Bicameral Conference Report ng batas ay pinapasinungalingan ng official Journal ng House of Representatives.
Paliwanag pa ng SC, hindi napatunayan ng petitioners at “largely hypothetical” ang argumento nila na anti-poor ang TRAIN Law.
Nilinaw din ng Korte Suprema na hindi ipinagbabawal sa Saligang Batas ang pagpataw ng regressive taxes gaya ng katwiran ng petitioners.
Moira Encina