SC pinagtibay ang kapangyarihan ng DOE na mag-take over sa mga kumpanya ng langis kapag may national emergency
Idineklarang balido at legal ng Korte Suprema ang probisyon sa Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act na nagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Energy (DOE) na i-take over ang mga kumpanya ng langis sa oras ng national emergency.
Sa 37- pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, kinatigan nito ang petition for review na inihain nina dating Executive Secretary Leandro Mendoza, DOE-Department of Justice Joint Task Force, at dating Energy Secretary Angelo Reyes laban sa ruling ng Court of Appeals na nagsabing labag sa Saligang Batas ang nasabing probisyon.
Ang kaso ay nag-ugat sa petisyon na inihain sa regional trial court ng Pilipinas Shell sa Executive Order No. 839 noong 2009 ni dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo na nagaatas sa lahat ng oil industry players na panatilihin ang presyo ng kanilang produktong petrolyo dahil sa state of calamity bunsod ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.
Ayon sa SC, sa ilalim ng Article 12, Section 17 ng Saligang Batas ay may kapangyarihan ang estado na pansamantalang hawakan ang operasyon ng pribadong negosyo sa panahon ng pambansang krisis.
Alinsunod din anila sa Article 6, Section 23, maaaring bigyan ng Kongreso ang Pangulo ng emergency powers sa limitadong panahon at may prescribed restrictions.
Sinabi pa ng SC na constitutional ang Section 14(e) na nag-ootorisa sa DOE at ito ay akmang delegasyon ng kapangyarihan sa energy secretary bilang alter ego ng presidente.
Moira Encina