SC pinagtibay ang pagbasura sa quo warranto case laban sa isang kinatawan ng Nueva Ecija
Kinatigan ng Korte Suprema ang pagbasura ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) sa quo warranto petition laban kay Nueva Ecija Third District Rep. Rosanna Vergara.
Sa desisyon ng Supreme Court, ibinasura dahil sa kawalan ng merito ang petisyon ni Philip Hernandez Piccio laban sa mga ruling at resolusyon ng HRET noong 2019 na nag-dismiss sa quo warranto case nito laban kay Vergara.
Ayon sa SC, walang grave abuse of discretion sa panig ng HRET sa paglabas ng mga nasabing desisyon.
Kinuwestiyon sa quo warranto case laban kay Vergara ang proklamasyon nito bilang kinatawan ng Nueva Ecija Third District noong 2016 elections.
Iginiit ng petitioner na hindi kuwalipikado si Vergara na maging kongresista dahil ito ay nananatiling American citizen.
Ipinaliwanag ng SC na may mga ebidensya na nagpapatunay na nakatugon si Vergara para ma-acquire muli ang kanyang pagkamamamayang Pilipino alinsunod sa RA 9225 o Citizenship Retention and Re-acquisition law.
Hindi naman ginawang moot ng Korte Suprema ang kaso kahit lumipas na ang termino ni Vergara noong 2016 dahil muli itong nahalal noong 2019 elections at kongresista hanggang ngayon.
Moira Encina