SC pinalawig ang deadline sa pagsusumite ng mga dokumento kaugnay sa bar exams application
Mayroon hanggang Pebrero 15 ang bar examinees na isumite ang mga orihinal at physical copies ng mga dokumento at iba pa na requirements na may kaugnay sa bar application process.
Sa bar bulletin na inisyu ni Bar Chairperson at Associate Justice Marvic Leonen, sinabi na iniurong nila ang deadline pagkatapos na ng pagsusulit dahil batid nila na marami sa examinees ang hirap makatugon bunsod ng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 at matinding epekto ng bagyong Odette.
Kaugnay nito, pinalawig din ng Korte Suprema ang deadline sa pagkuha ng sample exams sa 11:59pm ng Pebrero 2.
Sa ngayon ay 10,905 pa lang ng bar examinees o 92.6 % ang nakatugon sa nasabing requirement.
Una rito ay iniklian at iniurong ang bar exams sa Pebrero 4 at 6 dahil sa surge muli ng kaso ng COVID.
Moira Encina