SC pinalawig ang petsa ng pagpili ng bar examinees ng kanilang preferred local testing centers
May hanggang araw ng Linggo, Oktubre 24 pa ang mga bar examinees para makapili ng kanilang preferred local testing centers para sa pagsusulit sa darating na Enero at Pebrero.
Ngayong araw, Oktubre 20 unang itinakda ang pagsasara ng Venue Matching Module sa Bar Personal Login Unified System (Bar PLUS).
Sa Bar Bulletin na inilabas ni 2020/2021 Bar Exams Committee Chair at Justice Marvic Leonen, sinabi na pinalawig ang selection ng venue dahil sa technical issues sa Bar PLUS.
Posible ring palawigin muli ng Korte Suprema ang deadline kung patuloy na mararanasan ang technical issues sa online portal.
Niliwanag din muli ni Leonen na hindi first-come, first-served basis ang venue matching dahil bibigyang prayoridad ang venue choices ng mga examinees mula sa remote areas.
Umaabot sa 29 na kolehiyo, unibersidad at institusyon ang inaprubahan ng Supreme Court na magsilbing local testing centers para sa bar exams.
Moira Encina