SC pinatawan ng disbarment ang abogado na nangako ng mabilis at paborableng marriage annulment ruling sa kliyente
Tinanggal na sa roll of attorneys ng Korte Suprema ang pangalan ng abogado na pinangakuan ang kaniyang kliyente ng mabilis at paborableng desisyon sa annulment ng kasal.
Sa ruling ng Korte Suprema, pinatawan nito ng disbarment si Atty. Ronaldo P. Salvado dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility at Lawyer’s Oath.
Nabatid na nabigo rin si Salvado na ibalik sa kliyente na si Roger Asuncion ang ibinayad nito sa kaniya na Php420,000 matapos na mabigong mangyari ang ipinangako nito.
Kaugnay, inatasan din ng SC si Salvado na ibalik kay Asuncion ang ibinayad nito sa kaniya na may interest rate na 6% per annum.
Ayon sa complainant, ginarantiyahan siya ni Salvado ng paborableng annulment decision sa loob lamang ng dalawang buwan.
Nagsumite ang complainant ng screenshots ng kanilang text messages na nagpapakita na kabilang sa Php700,000 legal fees ni Salvado ang bayad sa mga koneksiyon ng abogado para sa promulgasyon ng ruling.
Hindi naman itinanggi ni Salvado ang nilalaman ng mga text messages.
Ang abogado ay dati na ring pinatawan ng suspensiyon ng SC sa pag-practice ng abogasiya dahil sa iba’t ibang paglabag.
Moira Encina