SC pinigil ang pag-upo ni Romeo Jalosjos Jr. bilang kinatawan ng Zamboanga del Norte
Nagpalabas ang Korte Suprema ng Status Quo Ante Order (SQAO) na pumipigil kay re-electionist Romeo Jalosjos Jr. na maupo bilang kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga del Norte.
Sa resolusyon ng Supreme Court En Banc, inatasan nito ang mga partido na panatilihin ang status quo bago ang mga resolusyon at kautusan ng Comelec na nagpoproklama kay Jalosjos Jr. bilang nanalong kandidato.
Inatasan din ng SC ang mga respondents na sina Jalosjos Jr. at ang Comelec na magkomento sa petisyon na inihain ng kandidato na si Roberto “Pinpin” Uy Jr.
Sa kaniyang petisyon, sinabi ni Uy na batay sa resulta ng eleksyon ay nakakuha siya ng 69,591 boto habang si Jalosjos Jr. ay 69,109.
Pero ipinahinto ng Comelec ang kaniyang proklamasyon dahil sa petisyon ni Jalosjos Jr. na ideklara siyang nuisance candidate.
Sa resolusyon noong Hunyo 7 ng poll body ay idineklarang nuisance candidate si Uy at ibinilang o inilipat kay Jalosjos Jr. ang nasa 5,000 boto na nakuha ng isa pang kandidato na si Federico Jalosjos.
Dahil dito, lumamang na si Jalosjos Jr. kay Uy ng nasa 4,000 boto kaya ito ang iprinoklama ng Comelec na nanalong kongresista.
Moira Encina