SC planong ituloy ang pagsasagawa ng mga korte ng videoconferencing hearings kahit matapos na ang pandemya
Binubuo na ng Korte Suprema ang mga patakaran na magpapahintulot sa pagsasagawa ng lahat ng court proceedings sa pamamagitan ng videoconferencing kahit matapos na ang pandemya.
Ito ang inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa kaniyang talumpati sa 130th Foundation Day and Law Day Celebration ng Philippine Bar Association.
Sinabi ni Gesmundo na isinasaayos na ng Committee on Virtual Hearings and Electronic Testimony ng Korte Suprema ang nasabing rules.
Binanggit ng punong mahistrado na sa kasagsagan ng pandemya ay pinayagan ng Supreme Court ang trial courts na magdaos ng mga pagdinig sa pamamagitan ng fully remote videoconferencing.
Ito ay naisagawa matapos ang promulgasyon ng Guidelines on the Conduct of Videoconferencing na nagtatag sa pagsasagawa ng virtual hearings at electronic testimony habang may Covid pandemic.
Ang pagpapatuloy ng videocon hearings ay bahagi ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027 (SPJI) ng SC upang maging technology -driven ang hudikatura.
Moira Encina