SC walang itinakdang oral argument sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati
Wala pang itinatakdang oral argument ang Korte Suprema patungkol sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City.
Ginawa ni Supreme Court (SC) Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka ang paglilinaw kasunod ng pahayag ni Makati City Mayor Abi Binay na nakatanggap ang kanilang Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa pinag-aagawang Bonfacio Global City (BGC).
Sinabi ni Hosaka na kung mayroon mang ganitong kautusan ang Korte Suprema ay ipalalabas sa website at social media account ng kataas taasang hukuman.
Sa panig ng Taguig City LGU, wala pa umano silang natatanggap na dokumento patungkol sa isyu.
Noong Abril ay ibinasura ng SC ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na i-akyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso.
Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments.
Nagkaroon na rin aniya ng Entry of Judgment sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.
Mas binigyang bigat umano ng mga mahistrado ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig City.
Madelyn Moratillo