Scam hubs na nag-ooperate sa Pilipinas, tinatayang nasa 400
Ininspeksiyon ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang isa sa mga gusali sa Pasay City na ginamit bilang illegal POGO hub.
Noong Oktubre ng nakaraang taon ay sinalakay ng mga awtoridad ang gusali na ginamit din bilang prostitution den.
Pinangunahan ni Bersamin ang pagpupulong kasama ang mga opisyal mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Department of Justice (DOJ), Department of Interior and Local Government at Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, hinikayat ni Bersamin ang inter-agency task force na magkaroon ng “template” sa mga ikinakasang operasyon sa illegal scam hubs para ito maging mas organisado at upang mas mapadali ang case build up at imbestigasyon.
Isa sa mga problema aniya ng mga otoridad para mapanagot talaga ang mga sindikato sa scam operations ay ang pagkakaroon ng mga matitibay na ebidensiya.
Tiniyak naman ng PAOCC na isasama na ng national government ang mga lokal na pamahalaan para malabanan ang problema sa illegal POGOs na aniya’y milyun-milyong pisong industriya na.
Pananagutin din ang mga lokal na opisyal kapag mapatunayang pinalusot ang mga POGO kahit walang permit mula sa gobyerno.
Moira Encina