Scammer syndicate ng 4P’s, nahuli ng DSWD at PNP
Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at Philippine National Police o PNP Cagayan de Oro City ang isang miyembro ng Scammer Syndicate ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa Press Conference sa National Office ng DSWD kinilala ang nahuling suspek sa pangalang Jay Lagrimas na nagpapanggap na empleyado ng DSWD National Capital Region.
Sinabi ng pamunuan ng DSWD na tinutugis narin ng mga awtoridad ang mga kasamahan ni Lagrimas na nakilalang sina Henry Saguiwalo,Aracili Agustin, Bebot Agustin, Robert Mejas, Shane Acedera, Gracefer Cervantes.
Modus operandi ng grupo na magbahay-bahay at nangongolekta ng halagang 350 pesos hanggang 500 pesos para mapasama sa listahan ng 4P’s.
Dahil dito naglabas ng babala sa publiko ang DSWD na huwag makipagtransaksyon sa mga nagpapakilalang taga DSWD at naniningil ng pera kapalit ng pagiging miyembro ng 4P’s.
Niliwanag ng ahensya na walang bayad na sinisingil ang DSWD dahil libre ang mapasali sa 4P’s basta pumasa sa kuwalipikasyon.
Vic Somintac