Schedule ng budget deliberations sa Senado inilatag na
Inilatag na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang magiging schedule ng budget deliberations sa Senado at tiniyak na hindi magkakaroon ng re-enacted budget sa susunod na taon.
Ayon kay Zubiri, bukas ilalatag na ni Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate Finance Committee report hinggil sa inaprubahang pondo at agad sisimulan ang paghimay sa panukalang 5.268 trillion National budget.
Umaga hanggang gabi ang magiging sesyon ng Senado mula Lunes hanggang Huwebes para paspasan ang pagtalakay sa pambansang budget.
Habang may budget hearing, suspendido muna aniya ang iba pang committee hearings kasama na ang pagtalakay sa Ad interim appointment ng mga cabinet official.
Bukas ang senador na magkaroon ng re-alignment sa pondo ng mga bawat departamento para mapaglaanan ng mas malaking alokasyon ang calamity funds.
Kailangan aniyang mapaglaanan ito ng mas malaking pondo dahil sa lawak ng pinsala ng pinakahuling bagyong Paeng pero ang problema kulang sa pondo.
Pero ipapaubaya na kay Angara ang paghahanap ng maaring idagdag sa calamity funds at kung aaprubahan ang panukala ng mga kapwa mambabatas na I-divert ang confidential at intelligence funds.
Umapila naman si Zubiri kay Pangulong Bongbong Marcos na magtatag ng isang ahensiya para lamang sa kalamidad para magkaroon ng iisang tanggapan ng tutugon sa preparedness, response at rehabilitation ng mga apektado ng kalamidad.
Pero posibleng sa 2024 pa ito masimulan dahil hindi kasama ang pondo para dito sa binabalangkas na 2023 National budget.
Meanne Corvera