Search and rescue operation sa 7 mangingisda sa karagatan ng Palawan, nagpapatuloy
Tuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard katuwang na ang Philippine Airforce at Navy sa paghahanap sa 7 nawawalang mangingisda sa karagatang sakop ng Palawan.
Nitong Sabado, nabangga ang fishing boat na JOT-18 ng Marshall Islands flagged cargo vessel na MV Happy Hiro sa Agutaya, Palawan.
Ayon sa PCG, 20 ang sakay na crew ng nasabing fishing vessel.
Galing umano sa China ang MV Happy Hiro at papunta ito ng Australia ng maganap ang insidente.
Agad naman umanong tumulong ang mga crew ng MV Happy Hiro at naglabas ng transiting fishing boat para mailigtas ang mga mangingisdang Pinoy.
13 sa kanila ang nakaligtas, ang 12 ay nagtamo ng galos sa katawan, habang ang isa ay nasugatan naman sa ulo.
Agad naman silang nabigyan ng pangunang lunas at nasa ligtas ng kalagayan.
Karamihan sa kanila ay residente ng Bantayan Island, Cebu habang ang isa ay residente naman ng Estancia, Iloilo.
Mga nailigtas na mangingisda:
- Done Petiero, 38 anyos
- Roderico Mata, 31 anyos
- Randy Mata, 36 anyos
- Renie Espinosa, 38 anyos
- Mario Quezon, 24 anyos
- Sammuel Ducay, 40 anyos
- Rendil dela Peña, 42 anyos
- Martin Flores Jr. , 58 anyos
- Jupiter Jbañiez, 38 anyos
- Anding Pasicaran, 43 anyos
- Jonel Mata, 30 anyos
- Joemar Pahid, 32 anyos
- Arjay Barsaga, 26 anyos
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, nagkaroon ng engine trouble ang fishing boat.
Inaalam rin aniya nila kung nakita ba o nag-alarma ang warning system ng MV Happy Hiro para sana naiwasan ang banggaan.
Nangyari aniya ang insidente bandang 5:40 ng hapon kaya naman medyo maliwanag pa.
Naglabas na rin ang PCG ng notice to mariners para ipaalam na may mga hinahanap pang mangingisda.
Madz Moratillo