Search and rescue sa nawawalang pasahero ng M/Y Dream Keeper, itinigil na ng Coast Guard
Itinigil na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operations para mahanap ang 4 pang nawawalang sakay ng lumubog na dive yacht sa bahagi ng Tubbataha, Palawan.
Gayunman, tiniyak ng PCG na may maiiwan pa rin silang asset sa lugar para patuloy na maghanap bukod sa iba pang yate na tumutulong.
Tiniyak naman ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na na-impormahan na nila ang pamilya ng mga biktima.
Sa passenger list ng M/Y Dream Keeper, may sakay itong 32 katao kabilang ang 15 crew, 12 pasahero at 5 dive master.
28 sa mga sakay ng barko ang nakaligtas.
Lumubog ang yate sa bahagi ng 4 nautical miles mula sa Tubbataha Reef na isang protected area.
Sa inisyal na report, lumubog ang M/Y Dream Keeper dahil sa biglaang pagsama ng panahon sa lugar.
“Kahit sa Palawan may na-e-experience na biglang pagsama ng panahon, di mapaliwanag kasi kahit maganda ang panahon sa area na pinanggalingan, sa area [na pinuntahan biglang] lumakas ang alon at hangin na sanhi ng paglubog,” paliwanag pa ni Balilo.
Samantala, nakikipag-ugnayan naman ang Department of Tourism (DOT) sa mga ahensya ng gobyerno na nangunguna sa monitoring sa search and rescue operations ng mga pasahero ng lumubog na dive yacht.
Partikular na sa Philippine Navy, Philippine Coast Guard (PCG), at private entities na sangkot sa insidente
Ayon sa DOT, inatasan na rin ni Tourism Secretary Christina Frasco ang DOT Dive Committee at Philippine Commission on Sports Scuba Diving (PCSSD) na bigyan ng assistance ang mga nakaligtas sa insidente.
Ang PCSSD ay attached agency ng DOT na nagri-regulate aa scuba sports at technical diving sa bansa.
“Secretary Frasco immediately instructed the DOT Dive Committee, including the Philippine Commission on Sports Scuba Diving (PCSSD), the Department’s attached agency in charge of regulating scuba sports and technical diving in the country, to extend all assistance possible to the survivors of the capsized liveaboard M/Y Dream Keeper,” ayon sa statement ng Department of Tourism.
Sa pinakahuling ulat ng PCG, nasagip ang 28 pasahero ng dive yacht habang hinahanap ang apat na indibiduwal
Kabilang sa mga nawawala ay ang Chinese na may-ari ng yate, dalawang Pinoy na pasahero, at isang dive master na Pinoy.
Madelyn Moratillo/Moira Encina