Search and retrieval operations ipagpapatuloy para sa nawawala pa ring 110 dahil sa bagyong Agaton
Nangako ang mga aworidad na ipagpapatuloy nila ang rescue and retrieval operations para sa mga biktima ng Tropical Cyclone Agaton, na nagpaulan at nagbunsod ng landslides sa gitnang bahagi ng bansa nitong nagdaang linggo.
Sa isang panayam ay sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal, na hindi sila nawawalan ng pag-asa, hindi man aniya maganda ang sitwasyon, kailangang magtiwala sa ating search and rescue team.
Sa kaparehong panayam ay sinabi naman ni Col. Noel Vestuir, kumander ng 802nd Infantry Brigade ng Philippine Army, na umaasa silang makakikita pa ng survivors.
Aniya . . . “Nagsasagawa kami ng search and retrieval dahil umaasa kaming makakikita pa ng survivors dahil naghihintay ang kanilang mga pamilya.’
Sa pinakahuli nilang situation report, ang bilang ng mga nasawi ay nananatiling 172, na ang 160 rito ay bina-validate pa at 12 naman ang nakumpirma na. Kabuuang walo katao ang napaulat na nasaktan at 110 ang nawawala.
Naapektuhan ni Agaton, na unang bagyong tumama sa bansa ngayong 2022, ang 2,015,514 mga indibidwal o 584,108 pamilya sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccskargen, Caraga at BARMM.
Ang pinagsama namang pinsala ng bagyo sa agrikultura at imprastraktura ay umabot na sa P256.77 million, kung saan ang Western Visayas ay nakapag-ulat ng P142 milyong pinsala sa kanilang mga pananim.
Iniulat din ng NDRRMC na nakapagtala sila ng 10,402 napinsalang mga bahay, na may tinatayang halaga na humigit-kumulang P709,500.
Mula sa nabanggit ay 9,732 ang napaulat na bahagyang napinsala at 670 ang tuluyang nawasak.
Sinabi ni Timbal na sa isang barangay, ay namonitor nila na 80% ng mga bahay ang natabunan ng isang landslide.
Ipinapalagay na isang “delikadong lugar,” sinabi ng opisyal na pinag-uusapan na nila kung saan ililipat ang mga naapektuhan nating kababayan.
Subali’t sa ngayon, ang mga pamilyang nawalan ng tahanan ay mananatili sa evacuation centers habang tinutulungan sila ng gobyerno.
Ayon kay Timbal, ang pagtukoy sa relocation sites ay pangungunahan ng lokal na pamahalaan at ng National Housing Authority.