Search and retrieval operations ng PCG tinapos na kaugnay ng pagtaob ng Motorbanca na Aya Express sa Binangonan, Rizal nitong nakaraang na linggo
Tinapos na ang ginagawang search and rescue and retrieval operations ng Philippine Coast Guard kasunod ng pagtaob ng motorbanca na Aya Express sa Binangonan, Rizal nitong nakaraang linggo.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, wala naman ng naghahanap na kamag-anak na may nawawala pang pasahero.
“Base sa report ng aming ground commander ay wala ng kamag-anak na naghahanap pa na may nawawala pa.” pahayag ni Rear Admiral Armand Balilo.
Sa datos ng coast guard, 41 ang naitalang survivors, habang 27 ang namatay sa insidente…
Kahit tapos na ang SAR operations, tiniyak ng PCG na tuloy parin ang kanilang pagpapatrolya sa lugar.
Ayon kay Balilo, dinagdagan na rin ang kanilang mga tauhan sa Binangonan sub-station.
Naging mas mahigpit na rin sila sa ipatutupad na patakaran sa mga sumasakay at umaalis na bangka.
“Ngayon naman naangal mga tao.” Sabi pa ni Balilo.
“Kailangan maintindihan ang ating procedure ayaw nating maulit ang pangyayari. Kaya hinihingi natin ang pang unawa ng publiko kasi kailangan nating gawin ito. “ paliwanag pa nito.
Tatlo ang sinampahan ng reklamo ng Rizal Police kaugnay ng nasabing insidente.
Kabilang rito ang kapitan ng Aya Express, may-ari ng bangka at isang tauhan ng coast guard.
Reklamong multiple homicide, multiple physical injuries, at negligence ang isinampa laban sa kanila.
Naabswelto naman sa imbestigasyon ang isa pang tauhan sa Binangonan sub-station dahil off duty ito ng maganap ang insidente.
Sa isang pahayag, sinabi naman ng Maritime Industry Authority na nakipagpulong na sila sa mga kinatawan ng Talim Island Passenger Motorboat and Patron Association kung saan kabilang sa natalakay ay ang insurance para sa mga naapektuhang pasahero.
“One of the primary issues raised was the duty of the insurance provider of MB Aya Express to indemnify those affected by the incident. As of this writing, there is no showing that the insurance provider has accepted or assessed any claim or has settled reasonable claims. Officers of TIPMOPA are currently in negotiations with the insurer to secure the necessary assistance”.
“Meanwhile, the Provincial Government of Rizal has stepped forward to pledge financial aid to the families of the victims.” – pahayag ng MARINA
Matatandaang matapos ang insidente ay sinuspinde na ng MARINA ang safety certificate ng Aya Express.
Madelyn Moratillo