Seating capacity sa dine-in at personal care services sa NCR para sa mga fully vaccinated, iminungkahing dagdagan
Iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa gobyerno na itaas sa 50 percent ang kapasidad para sa dine-in at personal care services sa Metro Manila na nasa ilalim ng Covid-19 Alert Level 4.
Paliwanag ni Concepcion, ito ay dahil halos wala pa ring kinikita ang mga establisimyento kung ang papayagan lamang ay 10 percent capacity.
Dahil fully vaccinated lamang aniya ang pinapayagan sa loob ng nasabing mga establisimyento ay dapat na taasan na ang capacity ng mga customer.
Aniya, maaaring taasan ang capacity pagsapit ng ikaapat na quarter ng taon o mula buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.
Upang matiyak na walang magiging surge ng mga kaso ng Covid-19, iminungkahi pa ni Concepcion na maaaring magbukas pa ng maraming bintana ang mga restaurant para sa maayos na ventilation.
Sa ilalim ng Alert Level 4, nasa 30 percent ang pinapayagan sa outdoor o al fresco dining sa mga restaurant at eateries kahit ano pa ang vaccination status pero nasa 10 percent lamang ang pinayagan sa dine-in services para sa mga fully vaccinated.