Sec. Aguirre, kinontra ang pahayag ni Sen. Drilon na may hurisdiksyon ang Ombudsman sa kaso ng pagpaslang ng mga pulis kay Kian delos Santos
Kinontra ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na may hurisdiksyon ang Office of the Ombudsman sa kaso ng pagpaslang ng mga pulis sa binatilyong si Kian delos Santos sa isang anti- drugs operation.
Ayon kay Aguirre, ang DOJ ang maari lang magsagawa ng preliminary investigation sa nasabing kaso.
Paliwanag pa ng kalihim, tanging ang mga public officials na may salary grade 27 pataas ang maaring imbestigahan ng Ombudsman.
Ang mga pulis aniya na dawit ay mababa lamang ang tinatanggap na sahod.
Nais ni Drilon na mag-inhibit si Aguirre sa kaso at ipaubaya ang pagdinig sa Ombudsman dahil sa tila pagpanig nito sa mga sangkot na pulis makaraang sabihing isolated case lang ang kaso ni Kian.
Kaugnay nito itinanggi ni Aguirre na bias siya at iginiit na siya ay panig lamang sa katotohanan at sa rule of law.
Ama rin aniya siya kaya nakikidalamhati siya sa mga magulang ni Kian at kinukondena ang pagpaslang sa binatilyo gaya ng pagkondena niya sa maraming iba na pinatay ng ibang mga kriminal at mga lulon sa droga.
Ulat ni: Moira Encina