Sec. Aguirre, “misquoted lang “ sa isyu ng pagdawit sa pamilya Alonte at Lucman sa krisis sa Marawi
Nilinaw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na hindi niya idinadawit ang pamilya Alonto at Lucman sa krisis sa Marawi at hindi rin nila nakausap ang mga taga-oposisyon.
Ito ay matapos ang kanyang unang inihayag sa media na nakilagpulong ang ilang pinuno ng oposisyon sa ilang mga pamilya sa Marawi City dalawang linggo bago ang kaguluhan sa lungsod.
Kumambyo si Aguirre at sinabing hindi niya intensyon na isangkot ang pamilya Alonto at Lucman sa krisis sa Marawi City.
Ayon sa kalihim, ang mga nasabing pamilya ay hindi kailanman nadawit at masasangkot sa anumang plano na maghasik ng gulo sa sinuman o sa alinmang ari-arian.
Hindi rin niya sinabi na nakausap ng dalawang pamilya ang ilang mga mambabatas bago ang gulo sa lungsod.
Sa kanya rin pagkakaalam, walang pagpupulong na naganap sa pagitan ng dalawang pamilya at nina Senador Antonio Trillanes, Magdalo Representative Gary Alejano at Dating Presidential Political Adviser Ronald Llamas.
Iginiit na Aguirre na misquoted lamang siya sa kanyang naging pahayag.
Nanindigan din siya na ang kanyang sinabi ay may mga local report na may ilang taga oposisyon na nagtungo sa Marawi para magrecruit ng mga lokal na pulitiko at mga warlord para makiisa sa destabilisasyon laban sa pamahalaang Duterte.
Kaugnay nito, nagpaabot ng paghingi ng paumanhin si Aguirre sa pamilya Alonto at Lucman.
Ulat ni: Moira Encina