SEC ipinapatigil ang iligal na operasyon ng investment firm sa Negros Occidental
Nag-isyu ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng cease and desist order laban sa isang investment company na naka-base sa Negros Occidental.
Sa kautusan ng SEC, ipinapahinto nito sa RGS World Marketing Corp. ang illegal investment scheme nito na ang target ay mga customers sa Western Visayas.
Ayon sa komisyon, hindi rehistrado at walang approval mula sa kanila ang pagbenta at pag-alok ng RGS World ng securities.
Sa imbestigasyon ng SEC, nabatid na ang RGS World ay nagbebenta o nag-aalok ng compensation plans na may halagang P1,000 hanggang P20,000 at may pangakong balik ng investment mula P3,500 hanggang P80,000.
Kaugnay nito, inatasan din ng SEC ang RGS World at mga direktor, opisyal, kinatawan, agents, at salesmen nito na itigil ang kanilang internet presence kaugnay sa investment scheme.
Pinagbabawalan din ang kumpanya at mga opisyal nito na makipag-transaksyon sa anumang negosyo na kinasasangkutan ng depository banks, at paglipat ng assets.
Ayon sa SEC, para makahikayat ng investors ay ginagamit ng mga direktor, promoters at iba pang tauhan ng kumpanya ang kanilang Facebook accounts upang ipakita ang larawan ng mga investors na sinasabing nakatanggap ng payouts.
Pinangakuan din ang investors ng non-monetary returns gaya ng frozen goods at bigas at mga karagdagang bonuses, incentives at produkto para mag-recruit ng mas madaming miyembro.
Namamahagi rin ang kumpanya ng mga produkto gaya ng sabon, liniment oils, bigas, itlog at iba pang poultry products para magmukhang lehitimo ang negosyo nito.
Moira Encina