SEC ipinatigil ang operasyon ng dalawang online lending firms
Ipinagutos ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa online lending firms na Goodpocket at Easymoney Lending Corporation na itigil ang kanilang operasyon.
Ayon sa kautusan ng SEC, hindi rehistrado bilang korporasyon at wala ring sertipikasyon ang Goodpocket at Easymoney para mag-operate bilang financing o lending company.
Alinsunod sa RA 9474 o Lending Company Regulation Act of 2007 (LCRA), kinakailangan na magrehistro at kumuha ng otorisasyon mula sa SEC ang mga tao o entities na nagooperate bilang lending companies.
Bukod sa pagiging unregistered, nakatanggap din ang SEC ng mga reklamo laban sa unfair collection processes ng Goodpocket at Easymoney.
Kabilang na rito ang pag-post ng mga libelous o abusive language laban sa mga borrowers sa social media at pagpapadala rin ng mga nasabing pahayag sa phone contacts ng mga ito.
Sa kabuuan ay 60 online lending companies ang ipinahinto ang operasyon ng SEC dahil sa kawalan ng mga lisensya.
Moira Encina