Security of Tenure bill muling inihain sa Senado
Ilang araw matapos i veto ni Pangulong Duterte, muling inihain ni Senador Joel Villanueva ang panukalang Security of Tenure bill na layong wakasan ang kontraktwalisasyon.
Mismong si Villanueva ang naghain ng panukala sa bills and index ng Senado kanina.
Ayon kay Villanueva, minor changes lang ang ipinalit sa orihinal na panukala na inihain nito noong 17th Congress at sinertipikahng urgent ni Pangulong Duterte.
Oras na isalang sa deliberasyon ang panukala, sinabi ng Senador na pagpapaliwanagin nya ang mga opisyal ng Malacañang partikular na ang mga nag-impluwensya sa Pangulo para ibasura ang panukala.
Kailangan aniyang ipaliwanag ng mga ito kung anong probisyon sa panukala ang hindi umano balanse at makakasama sa interes ng mga employers at employees.
Ito’y dahil mismong ang depenisyon ng labor only contracting na sinertipikahan ng Pangulo bilang priority measure ang kanilang ipinasa sa Senado kaya nakapagtatakang ibinasura ito ng Pangulo.
Iginiit ni Villanueva na hindi ito pagsasayang ng panahon dahil panahon na para itama ang pang-aabuso ng mga employers at hindi pagbibigay ng mga benepisyo.
Sa huling datos aniya ng Department of Labor and Employment (DOLE), mahigit dalawang milyong mangagawa ang kasalukuyang nasa ilalim ng contractualization.
Dismayado ang Senador dahil ang panukala aniya ay halos tatlong taong sinuri ng dalawang kapulungan at ikinunsulta sa lahat ng sektor.
Senador Villanueva:
“Ang malaking sama ng loob ko po sa mga tagapagpayo ng Pangulo sa Ledac parang tapos na ang boksing kino-compute na lang saka magsasalita umaalma at ayaw bakit wala silang kibo noong nangangako ang Pangulo labor day celebration, SONA ayaw nila magsalita bakit ho kaya?”.
Ulat ni Meanne Corvera