Seguridad sa bawat barangay pinatutukan ng liderato ng PNP sa pamamagitan ng revitalized “Pulis sa Barangay” program
Inatasan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang lahat ng kanilang unit sa bansa na paigtingin ang seguridad sa bawat barangay.
Layon nitong gawing prayoridad ang most vulnerable communities, kasama ang mga geographically isolated at disadvantaged barangays.
Ayon kay Marbil, sa pamamagitan nito ay mas mapalalakas ang revitalized “Pulis sa Barangay” o ang kanilang RPSB program, na syang nakatulong sa pagbaba ng crime rate, paglaban sa terorismo at kampanya laban sa iligal na droga.
Nakapaloob sa kautusan ang pagpapaigting ng iikot na mobile patrol unit sa bawat komunidad.
Ayon sa heneral, ang mobile patrol ang magsisilbi nilang mata at tainga sa ibaba kaya dapat silang maging handa sa pagresponde sa bawat paghingi ng tulong ng bawat residente.
Dahil sa pagiging epektibo, iniutos ni Marbil ang paggamit ng RPSB strategies sa buong bansa.
Ito’y para matiyak na walang barangay ang mapag-iiwanan at mas marararamdaman ng publiko na sila ay ligtas sa pangangalaga ng PNP.
Mar Gabriel