Sektor ng transportasyon nagpasaklolo na dahil sa taas ng krudo
Nagpapasaklolo na ang sektor ng transportasyon sa pamahalaan dahil sa hagupit ng presyo ng krudo .
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ng mga jeepney drivers at operators, nanghihingalo na ang kanilang sektor at hindi na kaya ang sobrang taas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay ALTODAP President Boy Vargas, marami sa kanilang miyembro ang tumigil na sa pamamasada dahil sa ipinatupad na modernisasyon sa jeepney ng DOTr at LTFRB sa kasagsagang ng pandemya na sinundan pa ng pagtama ng oil price hike.
Ang mga miyembro naman ng Liga ng transportasyon, napilitan na lang mag construction worker o kaya’y magtulak ng mga kariton.
Mahigit limang libong mga bus naman ang nabawas na sa kalsada dahil sa mataas na presyo ng gasolina.
Pero Sinabi ni Alex Yague ng PBOAP, mahigit dalawampu’t anim na libong mga empleyado na ang apektado.
Sinabi ng Pasang Masda, naiintindihan nila ang layon ng gobyerno na gawing moderno ang sektor ng transportasyon .
Pero sana raw gumawa rin ng aksyon sa mga isyung matagal na nilang ipinaglalaban lalo na ang pagrepaso sa Oil deregulation law.
Ayon kay Senador Imee Marcos ipaparating niya kay President elect Bongbong Marcos Jr., ang problema sa transportasyon pero ang kaniyang apila dapat magtulong tulong para maresolba ang problema sa sektor ng transportasyon.
Meanne Corvera