Sen. Bato naiyak sa pagkakasangkot ng mga pulis sa karahasan sa Negros Oriental
Naging emosyonal si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pagtatapos ng marathon hearing na isinagawa ng Senate Committee on Public Order sa isyu ng pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Napaiyak pa ang senador habang umaapela sa mga tauhan at opisyal ng Philippine National Police (PNP) na maging tapat sa pagtupad ng tungkulin.
Sabi ni dela Rosa, dating hepe rin ng Pambansang Pulisya, na nayuyurakan at bugbog na ang imahe ng PNP dahil sa pagkakadawit ng ilang pulis sa mga kaso ng katiwalian at pagpatay.
Sa pagdinig ng Senado, idinawit ng mga testigo ang ilang pulis na kasabwat sa mga kaso ng pagpatay kabilang na si Police Major Sgt. Noel Alabata na una nang ipina-contempt ng Senado.
Nagpa-alala si dela Rosa sa PNP na dapat manindigan sa katotohanan lalo na sa kanilang sinumpaang tungkulin na mapanatili ang kapayapaan.
Meanne Corvera