Sen. Gordon hindi pabor na palawigin ang Martial Law hanggang Disyembre
Tutol ang ilang Senador na kaalyado ni Pangulong Duterte na palawigin ang Martial Law sa Mindanao kung tatagal ito hanggang Disyembre.
Ayon kay Senador Richard Gordon, pabor siya na muling umiral ang Martial rule pero dapat limitahan lang ito sa animnapung araw.
Naiintindihan niya ang hirit ng palasyo para mas mapabilis ang trabaho lalo na sa recovery operations ng buong Marawi na nawasak dulot ng bakbakan.
Samantala, idinepensa naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang request ng Pangulo na limang buwang Martial Law extension.
Mahalaga aniya ang pag iral ng Martial Law para mabilis na matapos ng gobyerno ang rehabilitasyon at maibalik ang peace and stability sa Mindanao.
Kasama aniya sa pagbabalik ng peace and order ang konstruksyon ng mga gusali, tulay, kalsada at mga tanggapan ng gobyerno na nawasak dulot ng bakbakan.
Ulat ni: Mean Corvera