Sen. Lacson itinanggi na sangkot sa smuggling ang anak
Binuweltahan na ni Senador Panfilo Lacson si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos idawit ang kaniyang anak na si Panfilo “Pampi” Lacson Jr.sa umano’y smuggling ng semento.
Kwestyon ni Lacson, bakit ngayon lang nagsasalita si Faeldon matapos niyang ibunyag ang pagkakadawit nito sa katiwalian at patanggap nito ng tara o padulas sa Bureau of Customs.
Kwestyonable aniya ang paglalabas nito ng impormasyon sa isyu ng smuggling at dapat matagal na itong nagsampa ng kaso kung may nasilip siyang paglabag sa Customs and Tarrif Code o batas sa importasyon.
Pinabulaanan naman ng Senador na isa siya sa mga umanoy dummy ng kumpanya at iginiit na wala siyang itinatago.
Pero kung mapapatunayan na nagkaroon ng kalokohan at guilty ang kaniyang anak siya mismo ang magsasampa ng kaso laban dito.
Sa alegasyon ni Faeldon, undervalued umano ng 50 percent ang mga ipinapasok na semento ng Bonjourno Company na pag-aari ni Panfilo “Pampi” Lacson Jr.
Pagtiyak ni Lacson handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon at hindi niya haharangin kung iimbestigahan rin ang kanyang anak.
Sa ngayon wala siyang balak makipag banggaan kay Faeldon at sabayan ang mga alegasyon nito dahil nailabas niya na ang detalye ng mga kinasasangkutan nitong kurapsyon sa Customs.
Hindi na rin aniya dapat bigyan ng kulay ang kaniyang ginawang pasabog kahapon dahil wala itong kinalaman sa umuugong na umano’y pagtakbo niya sa susunod na Presidenstial elections.
Idinepensa naman ng kaniyang mga kapwa Senador si Lacson.
Kapwa sinabi nina Senate President Aqulino Pimentel at Minority Leader Franklin Drilon na kaduda-duda ang timing ng alegasyon ni Faeldon.
Tila inililihis lang nito ang isyu matapos siyang madiin sa kurapsyon sa Customs.
Hinala naman ni Drilon, desperado na si Faeldon na ilihis ang isyu.
Hindi sila papayag na imbestigahan ng Senado ang alegasyon ni Faeldon dahil posibleng magamit lang ang institusyon sa character Assassination.
Ulat ni: Mean Corvera