Sen. Revilla bumuwelta kay MMDA TF Chief Nebrija kaugnay ng EDSA Busway
Binuweltahan ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. si MMDA Task Force Chief Edison Bong Nebrija kaugnay ng umano’y paglabag ng Senador sa exclusive EDSA Bus lane kaninang umaga.
Ayon kay Revilla, hindi siya dumadaan sa EDSA busway dahil nanggaling siya sa Cavite patungo sa Senado.
Kung may iba siyang official functions sa Metro Manila, dumadaan aniya siya sa Skyway galing sa Cavitex.
Sinabi ng Senador na kung may pinangalanan ang driver na nahuling dumaan sa busway, hindi aniya dapat naniniwala dahil iligal ang ginawa nito at dapat tinikitan.
Iginiit din ng Senador na walang ipinatutupad na Inter-agency courtesy sa mga Senador o Kongresista para dumaan sila sa EDSA busway
Masama ang loob ng Senador dahil sa aniya’y mga walang basehang paninira.
Ipinapa-recall na ni Revilla ang budget ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ipinatawag ang mga opisyal nito para magpaliwanag.
Meanne Corvera