Sen. Robinhood Padilla hiniling sa Korte Suprema na resolbahin ang isyu sa pagboto ng Senado at Kamara sa pag-amyenda sa Saligang Batas
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Senador Robinhood Padilla para ipalinaw ang sistema ng botohan ng Senado at Kamara sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Si Padilla ang chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Nais ni Padilla na resolbahin ng Supreme Court ang isyu kung boboto na magkasama o magkahiwalay ang Senado at Kamara.
Sinabi ni Padilla, “Gagawin ko po ang lahat para matapos na ang walang katapusan na tanong na inaamin na po ng mga nagsagawa sumulat ng Konstitusyon noong1987 constitution, sinasabi po nila nagkulang sila sa usapin na yun iyon ay voting separately.”
Ayon sa senador, nag-aaway na ang dalawang Kapulungan ng Kongreso kung papaano rerebisahin ang Saligang Batas.
Naniniwala si Padilla na may umiiral na “actual contreversy” na ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihan na magresolba.
Partikular na hiniling ni Padilla na maglabas ang SC ng “authoritative declaration” ukol sa isinasaad sa mga probisyon ng Article XVII, kaugnay sa pagboto at pag-convene ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Aniya, “Kailangan maliwanag sabihin ng SC na voting separately. Kasi pinipilit, nag-file ang HOR ang gusto nila voting jointly. Hindi naman pupuwede yan. Paano naman ang mga senador, parang SONA nakikita ninyo nandoon ang senador at congressman at congresswoman. Gusto nila boboto kami ng iisa? Paano naman ang 24 na senador sa 300 mahigit? Hindi po makatarungan. Dapat po sabihin po, i-order po, desisyunan po ng SC na voting separately.”
Moira Encina-Cruz