Sen. Sherwin Gatchalian humingi ng tulong sa NBI matapos ma-hack ang kanyang credit card
Nagtungo sa NBI si Senador Sherwin Gatchalian para iulat at paimbestigahan ang pag-hack sa kanyang credit card.
Sinabi ni Gatchalian na nakuha ng hacker ang one-time passwords ng kanyang credit card at ginamit ito para bumili ng isang milyong pisong halaga ng inuming alak sa pamamagitan ng isang food delivery app.
Wala namang ideya si Gatchalian sa kung sino ang posibleng suspek sa hacking ng kanyang credit card.
Ayon pa sa senador, nakatanggap ng maraming tawag ang kanyang opisina mula sa ibang mga biktima ng nasabing modus.
Kaugnay nito, nanawagan si Gatchalian sa mga bangko at Bangko Sentral ng Pilipinas na pagbutihin pa ang kanilang mga security protocols para malabanan ang mga ganitong uri ng cyber attacks.
Plano ng senador na maghain din ng resolusyon para imbestigahan ang ginagawa ng mga bangko at BSP para maprotektahan ang mga credit card holders.
Umaasa naman si Gatchalian na mahuhuli ang mga salarin para matigil na ang nasabing modus.
Sinabi ng NBI na ang mga suspek sa credit card hacking ay pwedeng makasuhan ng paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998, Electronic Commerce Act at Cybercrime Prevention Act partikular ang identity theft at illegal access.
Moira encina