Sen. Trillanes at BOC Commissioner Faeldon, nagkainitan sa imbestigasyon ng Senado
Nagkainitan sa pagdinig ng Senado sina Senador Antonio Trillanes at kapwa nito miyembro ng Magdalo group na si Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Tumangging magsalita si Faeldon sa tanong ni Trillanes kung alam ba nito ang talamak na lagayan at katiwalian sa BOC.
Naging emosyunal pa si Faeldon at iginiit na walang saysay ang anumang depensa nya kay Trillanes dahil inakusahan na siya nito na dawit sa matinding kurapsyon.
Dahil dito, nag-init ang ulo ni Trillanes at nagbantang ipapa-contempt si Faeldon dahilan kaya nagpatawag ng recess at umawat na ang Chairman na si Senador Richard Gordon.
Pero nang ituloy ang imbestigasyon, nagsalita rin si Faeldon at inaming alam nya ang lagayan at tara system.
Gayunman, bigo siya na imbestigahan ang isyu dahil wala ni isang empleyado o opisyal ang nais lumutang at makipagtulungan para ikanta ang talamak na lagayan.
Inusisa rin ni Trillanes ang pagkakadawit ng anak ni Pangulong Duterte
na si Davao Vice Mayor Paolo Duterte sa umano’y mga transaksyon sa BOC.
Sabi ng negosyanteng si Kenneth Dong, kilala nya pero hindi naging kaibigan si Paolo.
Si Dong ang nagsilbing middleman ng Chinese businessman na si Richard
Tan para maipasok sa bansa ang shabu shipment mula sa China na
nagkakahalaga ng 6.4 billion pesos.
Ayon kay Dong nakilala nya si Vice Mayor Duterte noong 2008 nang i-expand ang kaniyang negosyong weighing scale sa Davao City.
Pero hindi nakumbinse si Trillanes.
Ipinakita pa nito ang mga litrato ni Dong kasama si Duterte at Sebastian Baste Duterte, dalawa sa mga anak ng Pangulo.
Ulat ni: Mean Corvera