Senado, balik sesyon ngayong araw
Balik sesyon na ngayong araw ang mga Senador matapos ang isang buwang bakasyon.
Ayon kay Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri, magsasagawa muna ng all member caucus ang Senado para pag-usapan ang kanilang magiging agenda sa nalalabing limang linggong trabaho.
Sinabi ni Zubiri na priority nila sa pagbabalik trabaho ngayong araw ang pagpapatibay sa panukalang pambansang budget para sa 2022 at tiniyak na lulusot bago ang kanilang bakasyon sa Disyembre.
Sa schedule para sa third regular session ng 18th Congress, muling mag-a-adjourn sa December 18 para naman sa kanilang break.
Bukas, Martes inaasahang ilalatag na ni Senate Finance Committee chair Sonny Angara sa plenaryo ang inaprubahang budget ng bawat sub-committee ng Senado.
Tiniyak ni Angara na aaprubahan ang mga pondong pantugon sa Pandemya, pagbili ng mga karagdagang bakuna at pondo para sa pagbangon ng ekonomiya.
Samantala tatalakayin sa Executive Session ngayong araw kung luluwagan ang restrictions sa loob ng Senado ngayong isasalang na sa plenaryo ang panukalang budget.
Kalimitan kasi na dagsa ang mga opisyal at staff ng Government agencies para idepensa ang kani-kanilang pondo.
Meanne Corvera