Senado balik sesyon na ngayong araw…Mga panukalang may kinalaman sa kalamidad uunahing isalang sa agenda
Balik trabaho na ngayon ang mga Senador matapos ang halos isang buwang bakasyon.
Ayon kay Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, isasama sa magiging prayoridad sa kanilang pagbabalik sesyon ang mga panukalang tutugon sa epekto ng kalamidad.
Bunsod na rin ito ng matinding epekto ng pagsabog ng bulkang taal at ang nangyaring sunod sunod na lindol sa Mindanao.
Kabilang na rito ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience.
Sinabi ni Zubiri na 10 Senador ang naghain ng naturang panukalang batas kung kaya’t umaasa ang Senador na mabilis itong makakalusot sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Bukod sa Department of Disaster Resilience prayoridad din ng Senado ang panukalang hiwalay na pasilidad para sa mga nahatulan ng heinous crime na pasado na sa third reading pero nakapending pa sa Kamara.
Nakalinya rin ang Anti-Terrorism Act na nakepnding sa second reading at ang panukalang itaas ang suweldo ng mga guro.
Ulat ni Meanne Corvera