Senado , duda na may katiwalian sa decommissioning program ng gobyerno sa mga rebelde
Nagkasagutan sa pagdinig ng Senado sina Senador Raffy Tulfo at Secretary Carlito Galvez sa isyu ng decommissioning ng mga armas ng mga sumusukong rebelde sa pamahalaan.
Iniimbestigahan kasi ng Senate Defense Committee kung bakit na-delay ang decommissioning ng mga armas ng mga sumukong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Sa pagdinig, inungkat ni Tulfo , bakit umabot lang sa 4,625 ang mga nakumpiskang baril ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process samantalang aabot na sa 26,000 ang mga sumukong rebelde.
Kapalit kasi aniya nang pagsuko ng rebelde ang 100,000 pesos na unconditional fund mula sa gobyerno.
Tanong ni Tulfo, saan dinala ang pondo para dito?
Pero depensa ni Galvez, hindi lahat ng sumusukong rebelde may bitbit na mga armas.
Pumalag rin ang kalihim sa alegasyong may nangyayaring katiwalian sa decommissioning ng mga armas.
Hinamon pa ni Tulfo si Galvez na maglabas ng katibayan na maayos ang accounting at hindi nauuwi sa kurapsiyon ang pondo ng gobyerno.
Duda rin si Senador Imee Marcos bakit puro kalawang at kulang-kulang ang mga armas na isinusuko ng mga rebelde.
Kaya naman inatasan ni Marcos ang Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity na magsumite ng mga dokumento kung paano ginastos ang kanilang pondo.
Mungkahi naman ni Senador Jinggoy Estrada kung talagang seryoso ang mga rebelde sa pakikipag-usap sa gobyerno isuko ang lahat ng kanilang armas.
Meanne Corvera