Senado handang sumunod kung magpapatawag ng special session si Pangulong Duterte
Ipauubaya ng liderato ng Senado kay Pangulong Duterte ang pasya sa posibleng pagpapatawag ng special session para humanap ng paraan paano mareresolba ang problema sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Senate president Vicente Sotto na handa naman silang tumalima kung hihilingin ng Pangulo dahil bahagi ito ng kanilang mandato.
Pero dapat linawin kung anong partikular na isyu ang dapat na talakayin kabilang na ang posibleng pagpapawalang bisa sa oil deregulation law at pagsuspinde sa excise tax.
Sa ngayon wala pa raw silang natatanggap na official communications mula sa Malacañang.
Sinusuportahan ng mga Senador ang posibilidad ng pagdaraos ng special session
Ayon kay Senador Ralph Recto, dapat umaksyon na ang Kongreso ngayong lalo pang sumirit ang presyo ng diesel at gasolina at magbigay ng assistance sa mga tsuper.
Susuportahan naman ni Senador Ping Lacson kung magdedeklara ng State of Economic Emergency ang gobyerno para tugunan ang krisis.
Nakadepende rin aniya sa Malacañang kung paano babawasan ang impact ng mataas na presyo ng krudo sa mga ordinaryong mamamayan.
Meanne Corvera