Senado, hiniling na isailalim si Michael Yang sa lookout bulletin ng Immigration
Sumulat na ang Senate Blue Ribbon Committee kay Justice secretary Menardo Gueverra para hilingin na isailalim sa lookout bulletin, watchlist o hold departure order ng Bureau of Immigration si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, ito’y habang iniimbestigahan ng Senado ang umano’y anomalya sa biniling medical supplies ng Department of Health.
Hiniling ni Gordon kay Justice Secretary Mernardo Gueverra na agad ipaalam sa Senado kung lalabas ng bansa si Yang at saan ito magtutungo.
Hindi nakasipot si Yang sa pagdinig ng Senado kahapon dahil tumaas umano ang blood pressure nito pero ayon sa kaniyang abugado, nananatili pa rin ito sa Davao.
Nauna na itong inisyuhan ng warrant of arrest ng Senado dahil sa pagsisinungaling sa kanilang mga imbestigasyon pero hindi pa naisisilbi hanggang ngayon.
Si Yang ang itinuturo ng kumpanyang Pharmally na umano’y naging guarantor nila at inutangan ng pondo para makuha ang mga facemask at Personal Protective Equipment mula sa China.
Meanne Corvera