Senado iimbestigahan na ang rotational brownout sa Western Visayas
Pinai-imbestigahan na ng mga senador ang nangyayaring rotational brownout sa Western Visayas.
Sa Senate Resolution number 579, hiniling ni Senadora Grace Poe na tingnan na ng Senado ang sitwasyon ng suplay ng kuryente sa Western Visayas at tumatagal ng sampung oras kada araw
Sa statement sinabi ni Senador Poe na “ang paulit-ulit na power interruption at malawakang blackouts ay hindi dapat maging paraan ng pamumuhay sa Panay Island.”
Sinabi ng mambabatas na dapat solusyunan ang problema at magkaroon ng pang-matagalang solusyon para matapos na ang paghihirap ng mga residente doon
Aalamin din sa pagdinig ang posisyon ng mga electric cooperative sa Panay at Negros na nagtuturo sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na sanhi ng problema kaya umano nakakaranas ng malawakang brownout sa lalawigan
Pinakikilos naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Department of Energy (DOE) sa nangyayaring blackout bago pa tuluyang mag-pullout ng negosyo ang mga negosyante doon.
“Okay lang po ‘yong brownout na isang araw, magkaroon ng malfunction, magkaka-problema sa mekanismo, mai-intidihan po namin ‘yan. Pero rotational brownout? Araw-araw? Kalokohan po iyan. Hindi na po nararamdaman ‘yan ng isang developing country, hindi po nangyayari ‘yan sa Thailand, hindi po nangyayari sa Vietnam ‘yan. So, the DOE,I have not heard the voice of doe,” pagdidiin ni Zubiri.
Dismayado na ang senador sa aniya’y pagiging inefficient ng mga namumuno sa Panay Diesel Power Plant 1 at hindi siya naniniwala sa katwiran nito na may pumasok na ahas kaya nagkaroonng blackout.
Dahil aniya sa nangyayaring power outages na tumatagal na ng mahigit sampung oras, karamihan sa mga negosyo doon nagbawas na rin ng kanilang operating hours.
“Talagang hirap na hirap ang mga negosyo, ang mga msme sa western visayas. That’s s a very productive area, Iloilo is very productive, Negros is a very productive, they cannot perform their functions. And how can you ask investors to come to the Philippines? Eh walang kuryente. Mahal na ngang kuryente, wala pa,” dagdag na pahayag ng Senate President.
Bukod sa blackout pinai-imbestigahan rin sa Senado ang mataas na singil sa kuryente ng mga generation companies
Sinabi ni Senador Raffy Tulfo, isa sa mga dahilan kung bakit marami ng mga foreign investor ang nag-a-alangan magtayo ng kanilang negosyo sa Pilipinas ay dahil sa mahal na singil sa kuryente.
Sinabi niTulfo na kahit mura ang pagkakabili ng suplay ng coal, pinapatawan ito ng sobra-sobrang tubo kaya apektado ang mga kawawang consumer.
Panahon na aniya para panghimasukan ito ng gobyerno at matigil na ang kanilang pananamantala.
“Kaya sobrang mahal ng kuryente sa Pilipinas ay dahil matagal na pala tayong pini-prito sa sarili nating mantika ng mga gahamang energy generation company,” diin pa niTulfo.
Meanne Corvera