Senado, ipinauubaya sa Pangulo ang desisyon sa pagsasapubliko ng Ninja cops
Ipinauubaya na ng liderato ng Senado kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasapubliko ng mga pangalan ng mga pulis na tinukoy ni dating PNP-CIDG Chief Benjamin Magalong na umano’y dawit sa agaw bato o recycling ng illegal drugs.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto, nagdesisyon ang Blue Ribbon committee na unang ibahagi ang impormasyon sa Pangulo bilang pagrespeto.
Bahala na aniya ang Pangulo sa pag-imbestiga, pag aksyon at pagsasapubliko ng impormasyon lalo’t matataas na opisyal ng gobyerno at ng Pambansang pulisya ang idinadawit sa illegal drug trade.
Ang Pangulo rin aniya ang nasa poder para sibakin at pakasuhan ang mga ‘Agaw Bato cops’ at para maipa-overhaul ang buong Pambansang pulisya.
Nauna nang inaprubahan sa plenaryo ng Senado ang mosyon na ilabas sa publiko ang impormasyon ukol sa mga tiwaling pulis na batay sa testimonya ni Magalong sa executive session na inaprubahan ng 17 Senador.
Ulat ni Meanne Corvera