Senado, mag-iimbestiga rin sa Tanay Tragedy
Magsasagawa ng joint investigation ang Senate Committee on Public Services at Education sa malagim na trahedya nang sumalpok ang isang bus sa Tanay Rizal na ikinasawi ng labing limang estudyante.
Papunta sa isang Camp Site ang mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines-Novaliches nang sumalpok ang kanilang sinasakyang bus sa bahagi ng magnetic hill sa Tanay.
Inaprubahan ng Senado ang mosyon ni Senate Majority Leader Vicente Sotto na mabusisi ang insidente.
Ayon kay Sotto, 2014 pa siya humihingi ng paliwanag kung bakit walang napaparusahan sa sunod-sunod na aksidente na kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus na ang dahilan ay nawalan ng preno.
Kabilang rito ang banggaan ng dalawang bus sa Edsa Magallanes na ikinamatay ng anim noong November 2013, pagkahulog ng Florida bus sa Mt. Province noong February 2014 na ikinamatay ng labing-apat at ang pagkahulog ng isang pampasaherong bus sa Skyway sa Taguig na dalawamput isa ang namatay.
Ang dapat aniyang pagpaliwanagin ay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na nagbibigay ng permiso para makapagbiyahe ang mga bus.
Ulat ni : Mean Corvera