Senado maglalabas na ng report sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa COVID response fund
Ilalabas na ng Senate blue ribbon committee sa lunes ang preliminary report nito hinggil sa ginawang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa paggastos ng COVID response fund ng gobyerno.
Ayon kay Senador Richard Gordon na Chairman ng komite, posibleng mapasama si Pangulong Duterte sa maaaring masampahan ng reklamo.
Dawit umano ang Pangulo sa kontrobersiya nang payagan at ipagtanggol ang kaniyang dating adviser na si Michael Yang na natukoy na nagpasasa sa bilyon bilyong pisong kita ng Pharmally na ginamit ang umano’y pagiging kaibigan ng Pangulo.
Malinaw aniya ang kaugnayan ni Yang sa Pharmally dahil sa mga testimonya ng mga opisyal ng kumpanya na naging financial manager nila si Yang para makuha ang mga medical supplies.
Pananagutan rin umano ng Pangulo ang hindi pag-imbestiga sa mga sangkot sa kontrobersyal na paglilipat ng pondo ng Department of health sa procurement service ng DBM na aabot sa mahigit 40 billion pesos na dating pinamunuan ng kaniyang itinalaga sa pwesto na si Dating USEC Loyd Christopher Lao.
Maglalabas raw ang komite ng full report kapag naaresto na ang limang iba pang personalidad na iniuugnay sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na inisyuhan ng warrant of arrest ng Senado.
Sa ikalabingwalong hearing ng komite kahapon pinatawan ng “contempt” at ipinag-utos ang pag-aresto sa mga negosyanteng sina Rose Nono Lin, Sophia Custodio, Dennis Manalastas, Jayson Uson, at Gerald Cruz.
May arrest order din laban kay Lao na hindi na sumipot sa mga pagdinig ng Senado.
Meanne Corvera